
Nanindigan ang Department of the Interior and Local Government na sumusunod lamang ito sa umiiral na batas sa bansa hinggil sa pagpapatupad ng suspension order kay Bonifacio, Misamis Occidental Mayor Samson Dumanjug.
Ito ang iginiit ng ahensya kasunod ng isinagawang pagdinig ng Senado kaugnay sa mga alegasyong nagkaroon umano ng “violent eviction” sa tanggapan ng naturang lokal na opisyal.
Ayon sa DILG, sa ilalim ng Administrative Order 22 s. 2011, ang suspension order ng Sangguniang Panlalawigan ay maaaring iapela sa Office of the President sa loob ng 15 araw mula sa araw kung kailan inilabas ang notice ng nasabing kautusan.
Ngunit sa kabila nito ay wala anilang inihaing apela si Mayor Dumanjug hinggil sa 2023 Suspension Order laban sa kaniya.
Giit ng ahensya, walang anumang execution na inilabas ang anumang korte hinggil dito dahilan kung bakit naging final and executory ang kanilang naging desisyon na pagsunod lang din ng kagawaran sa umiiral na batas.
Kung maalala, umiiral na suspension order laban kina Misamis Occidental Mayor Samson Dumanjug at asawa nitong si Vice Mayor Evelyn Dumanjug sa loob ng 60 araw mula noong Mayo 30 ay dahil umano’y betrayal of public trust.
Una nang iginiit ni Tambulig, Zamboanga Del Sur Mayor Charlotte Dumanjug Panal na hindi lamang ang lalawigan ng Bonifacio, Misamis Occidental ang nakakaranas hindi makatarungang suspensyon kundi pati na rin ang kanilan pang mga siyudad na hindi kaalyado ng Misamis Occidental Gov. Henry Oaminal.










