Aminado si Usec. Ricojudge Echiverri ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nasa transition phase pa ang Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) ngayong nakaupo ng co-chairperson si Vice Pres. Leni Robredo.
Hindi raw kasi maalis sa kanya ang agam-agam na posibleng magamit laban sa law enforcers ng administrasyon ang mga kumpidensyal na impormasyong may kinalaman sa war on drugs na ibabahagi ng komite kay VP Leni.
Ganito rin umano ang sentimyento ng ilang ICAD members hinggil sa pagpapasok ng gobyerno sa kampanya ng opisyal mula sa oposisyon.
Sa isang panayam sinabi ni Echiverri na ilang maling impormasyon na tungkol sa war on drugs campaign ang nakaabot sa United Nations at ibang estado,
Nitong Huwebes nang humarap ang Law Enforcement cluster ng ICAD sa meeting na ipinatawag ni Robredo.
“Actually, maraming napag-usapan ngayong umaga. May tatlong na-highlight. Ang unang na-highlight is as of now, walang clear baselines, so iyon iyong pinagtatrabahuhan. Mayroon nang efforts to do that. In fact, last week, nagkaroon na ng launch iyong DILG together with some other agencies, iyong pagkakaroon ng information system na standard saka common for all na napakahalaga noon kasi iyon iyong kailangan para masukat iyong accomplishments; iyon iyong kailangan para mag-set ng metrics, iyon iyong kailangan para makita kung naging effective ba iyong mga means na ine-employ.”
“So iyon iyong unang agreement: na tapusin na iyong baselines kasi iyon nga, after a while, wala pa rin, hindi pa rin available. Iyong hinihingi natin na baselines, mag-uumpisa doon sa listahan—doon sa mga listahan bang pinagsimulan noong 2016; ilan doon iyong nag-surrender; ilan doon iyong arrested; of those surrendered—mga surrenderers at saka arrested—ano iyong disposisyon sa kanila; ilan ba iyong kinasuhan; ano ba iyong status ng mga kaso; ilan ba iyong recommended for rehabilitation; tapos anong klaseng rehabilitation kasi may tatlo—iyong mild users, community-based rehab; iyong moderate users, iyong outpatient rehab; iyong severe, iyon iyong in-patient rehab—na kapag pinag-usapan ulit iyong problema ngayon ng DOH, doon sa in-patient rehab, kasi because of the plea bargaining na nangyayari sa courts, nagkakahalo-halo iyong mga drug users at saka drug pushers—nagkakahalo-halo sa isang rehabilitation center.”
“Na parang nililipat lang iyong problema o paminsan na-a-aggravate pa iyong problema dahil nga nagkakahawaan. Iyong term nga ng DOH last week, nagkakaroon tuloy ng bagong networks. So iyon iyong gustong tingnan.”
Sa kabila ng pangamba, nangako naman ang DILG official ng pakikipag-tulungan sa bise presidente na co-chair ng kanilang komite.