-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkadismaya ang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa social media giant na Facebook dahil sa mistulang pagtolerate sa illegal online sabong operations sa naturang social media platform.

Dismayado si DILG Undersecretary Jonathan Malaya dahil hanggang sa ngayon ay wala pa aniyang natatanggap ang DILG na anumang tugon mula sa kanilang ipinadalang sulat sa Meta, ang operator ng FB.

Ayon kay Malaya lumalabas na nagiging kasangkapan para sa isang illegal na aktibidad gaya ng illegal e-sabong ang hindi pag-block ng e-sabong o online cockfighting sa kanilang platform.

Giit pa ni Malaya na mabilis lamang aniya ang pagshut-down ng FB sa ibang mga pages subalit pagdating sa naturang usapin ay mistulang tinotolerate nito ang iligal na aktibidad sa bansa.

Saad pa ng DILG official na bilang isang business entity na nagooperate sa bansa, dapat aniya na sumiunod sa Philippine laws ang FB.

Kinumpirma din ni Malaya na pinag-aaralan ng legal team ng DILG ang kanilang magiging susunod na aksyon sakaling tumanggi ang Meta na sumunod sa direktiba ng Pangulo na pagshutdown sa mga illegal e-sabong pages at accounts.