-- Advertisements --

Sa gitna ng pagdiriwang ng National Information and Communications Technology (ICT) Month, patuloy na isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang digital transformation ng sektor ng edukasyon sa bansa.

Nakasaad ang panukala ni Gatchalian sa Digital Transformation of Basic Education Act (Senate Bill No. 383) na nakaayon din sa mandato ng Republic Act No. 10929 o Free Internet Access in Public Places Act.

Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na pabilisin ang paglalagay ng libreng pampublikong Wi-Fi sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa bansa.

Sa pagtalakay ng 2023 national budget noong nakaraang taon, pinuna ni Gatchalian na 1.8% lamang o 860 sa 47,421 na mga pampublikong paaralan sa bansa ang may free public Wi-Fi batay sa naitalang datos ng Free Public Wi-Fi Dashboard noong Setyembre 2, 2022.

Binigyang diin din ni Gatchalian kung paano mas nakapinsala ang digital divide sa mga nangangailangang mag-aaral sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Upang mapabilis ang pagpapatayo ng pambansang imprastraktura para sa ICT, iminamandato rin ng panukalang batas sa National Telecommunications Commission (NTC) na tukuyin ang mga lokasyon para sa pagpapatayo ng mga telecommunications tower sites, kung saan bibigyang prayoridad ang mga lugar na hindi pa konektado sa internet.