-- Advertisements --

Suportado ng Digital Pinoys ang matibay na paninindigan ng pamahalaan laban sa Roblox, kasabay ng babala na dapat may kaakibat na pananagutan ang kabiguang maprotektahan ang mga batang Pilipino online.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Ronald Gustilo na tama ang naging hakbang ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) matapos ang mga ulat na ginagamit umano ang platform sa grooming, exploitation, at exposure sa ilegal na aktibidad, kabilang ang may kinalaman sa droga at karahasan.

Ayon kay Gustilo, hindi lamang ito iilang kaso kundi senyales ng mas malalim na problema sa content moderation, user protection, at pananagutan ng mga developer.

Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangan ng mas mahigpit na age verification, mas epektibong monitoring gamit ang artificial intelligence at human review, mas mabilis na aksyon sa abuse reports, at pakikipagtulungan sa mga awtoridad.

Binigyang-diin din niya na ang pagpapatuloy ng hindi ligtas na digital environments ay sumisira sa tiwala ng publiko at naglalantad sa mga user sa mga panganib na maaari namang maiwasan.

Dagdag pa niya, hindi ito usapin ng censorship kundi ng pagpigil sa mapaminsalang aktibidad sa loob ng mga platform.

“Unang una, dapat nating linawin na ang isyung ito ay hindi tungkol sa pagcensor or censorship sa video games na ito, ang nilalabanan natin dito ay yung mga harmful na klase ng mga aktibidad na nagagawa sa loob ng mga video games,”saad ni Gustilo.

Aniya, kung hindi kikilos ang mga kumpanya upang ayusin ang kanilang sistema, nararapat lamang suportahan ang posibleng mas mahigpit na hakbang ng pamahalaan, kabilang ang pagharang sa operasyon ng mga ito sa bansa upang maprotektahan ang kabataan.

“Kung ang mga platform ay di gagawa ng hakbangin para ayusin ang kanilang sistema, susuportahan natin ang ang hakbangin ng gobyerno para sila ay totally i block sa bansa para maprotektahan ang mga pinaka bulnerable na gumagamit ng platform na ito na mga kabataan,” dagdag pa nito.