-- Advertisements --

Nanawagan ang isang digital advocacy network kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag nang patawan pa ng dagdag na buwis ang mga digital services providers sa bansa.

Ito ay matapos na ipahayag ng pangulo sa kaniyang unang State of the Nation Address kahapon ang planong adjustment sa tax system sa Pilipinas, na kinabibilangan ng paglalagay ng value-addedd tax sa mga digital service providers sa pamamagitan ng digital economy taxation measure.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo na hindi na dapat patawan pa ng dagdag na buwis ang digital services at sa halip ay dapat daw aniya itong ituring na karagdagang serbisyo para sa taumbayan.

Hindi naman daw kasi lingid sa ating kaalaman na talagang nakitaan ng pag-usbong ang digital communities sa bansa lalo na noong kasagsagan pa ng pandemya kung saan halos lahat ng mga tao ay gumagamit ng digital services sa pang-araw araw na pamumuhay na kung tutuusin ay malaking tulong din sa ekonomiya sa pamamagitan ng mga online sellers na nakapagbibigay din ng trabaho hindi lamang para sa kanilang sarili kundi pati na rin sa iba pang mga tao.

Paliwanag ni Gustilo, hindi lang naman pagpapataw ng buwis sa kanilang sector ang tanging solusyon para makahabol ang bansa sa patuloy na pag-unlad ng digital economy.

Mayroon naman kasi aniyang mas malaking pwedeng pagkuhaan ang pamahalaan ng malaking pondo tulad na lamang ng mga uncollected tax na nakasaad sa ulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Tanging maayos na pagtatrabaho at matapat at masigasig na pangongolekta lang aniya sa mga buwis partikular na sa mga overtax ang kinakailangang gawin ng gobyerno para mapondoha naman ang kanilang mga proyekto para sa bayan.

Una rito ay sinabi na ni President BBM na tinatayang aabot sa halos Php11.7 billion sa taong 2023 ang makokolektang buwis ng pamahalaan sa oras na ito ay maisakatuparan.

Matatandaan na dati na ring iminungkahi sa 18th Congress ang House Bill No.n 7425 kung saan pinapatawan naman ng 12% VAT ang ilang mga digital service providers kung lalagpas sa tatlong milyong piso ang halaga ng kanilang magiging annual gross sales o taunang kabuuang benta.