May tinitingnan nang persons of interest ang Department of Information and Communications Technology na posibleng nasa likod ng pag-hack sa website ng House of Representatives, nitong linggo, Oct. 15, ayon yan kay DICT Assistant Secretary Renato Paraiso.
Ani Paraiso, hindi pa nila isasapubliko ang nasabing persons of interest upang hindi makahadlang sa pagbuo ng kaso at posibleng prosecution.
Batay sa naturang ahensya, posibleng mga Pinoy hacker pa rin ang nasa likod ng insidente dahil na rin sa istilo at lenggwaheng ginamit nito.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ngayon ng DICT – Philippine National Computer Emergency Response Team (CERT-PH) para malaman kung may data leak na nangyare.
Binigyan rin ng naturang Computer Emergency Response Team ng rekomendasyon ang House of Representatives Information technology team para mas maiwasan ang mga katulad na insidente.
Nauna nang iniulat na pasado alas-4 ng hapon nitong Lunes, nang maibalik ang official website ng House of Representatives, matapos makaranas ng defacement nitong nakaraang Linggo.