-- Advertisements --

Kinumpirma ng Senate Electronic Data Processing and Management Information System (EDP-MIS) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na na-deface ang website ng Senado, ngunit walang palatandaan na nakompromiso ang anumang sensitibo o confidential na impormasyon.

Ayon sa paunang imbestigasyon, limitado lamang ang insidente sa pampublikong bahagi ng website na naglalaman ng mga dokumento at impormasyong bukas sa publiko.

Inako naman ng grupong “Nullsec Philippines” ang pag-atake at sinabi nitong layunin nilang isulong ang transparency at accountability.

Bilang pag-iingat, pansamantalang isinailalim sa maintenance ang website ng Senado habang isinasagawa ang security validation at restoration.

Nagsasagawa rin ng forensic investigation ang DICT, Senado, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, at iba pang ahensya upang matukoy ang mga responsable.

Kung mapapatunayang may sala, maaari silang maharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act o Republic Act No. 10175.

Nangyari ang insidente ilang araw matapos magbabala si Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian tungkol sa posibleng banta sa Senado sa gitna ng umiiral na political tensions.