-- Advertisements --

Naninwala si Marikina City Rep. Bayani Fernando na hindi na kailangan pa na gumawa ng panibagong batas para pagbawalan ang mga motorista na atakihin ang mga traffic enforcers.

Ginawa ni Fernando ang naturang pahayag makaraang mapaulat kamakailan na ginulpi ng isang bus driver at konduktor nito ang isang enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos sitahin dahil sa kanilang traffic violation.

Ayon kay Fernando, na dating MMDA chairman, na mayroon nang batas na nagbabawal sa mga sibilyan na bastusin o atakihin ang mga awtoridad.

“May batas na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga gumagawa ng ganyan sa public officials, otoridad. Naka-uniform ‘yun e, hindi mo puwedeng pagkamalian na karaniwang mamamayan. Meron siyang karapatan na ikaw ay sawayin,” ani Fernando.

Samantala, tutol ang kongresista sa mga panukala na pahintulutan ang mga MMDA traffic enforces na posasan ang mga sibilyan na aatake sa kanila.

Iginiit ni Fernando na hindi katulad ng mga pulis, walang kasanayan ang mga MMDA officers sa pagpoposas.

Gayunman, iminumungkahi niyang armasan ng bolo ang mga traffic officers na ito kung kakailanganin para lalo pang mapalakas ang kanilang awtoridad na ma-decongest ang trapiko.