
Posibleng itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert status sa Sudan sa Alert level 3 sa gitna ng pagdami pa ng mga Pilipinong nais na lisanin ang nasabing bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega, inirekomenda ng DFA na itaas ang alert status mula sa level 2 sa level 3 simula pa noong nakaraang linggo dahil sa tumataas na bilang ng mga Pilipinong nais marepatriate.
Sa ilalim ng Alert level 3, kailangan ang boluntaryong repatriation ng mga Pilipino sa isang bansa.
Iniulat din ng De Vega na sumidhi pa ang kaguluhan sa Sudan kayat pinapayuhan ang mga Pilipino doon na manatili sa indoor places.
Inaantay pa aniya ang kabuuang bilang ng mga humihiling na marepatriate mula sa Philippine Embassy sa Cairo, Egypt.
Nauna ng sinabi ni De Vega na naghahanda na ang Embahada sa Cairo, Egypt para sa posibleng paglikas sa 80 mga Pilipino doon habang mayroong isang Filipinong worker naman ang nasugatan dahil sa nagpapatuloy na labanan ng Sudan Armed Forces at Paramilitary group na Rapid Support Forces (RSF).










