Ikinatuwa ni Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang pag-adopt ng United Nations Security Council sa resolution para ipanawagan ang agarang ceasefire sa Gaza ngayong buwan ng Ramadan.
Kalakip din ng naturang resolusyon ang pagpapalaya sa lahat ng hostages at ang walang hadlang na pagpapadala ng humanitarian assistance sa Gaza.
Sa isang online post, sinabi ni Secretary Manalo na ito ay “long overdue” na at dapat ng ipatupad ng Hamas at Israel.
Dagdag pa nito, dapat ng tugunan ng international community ang nararanasang humanitarian crisis sa Gaza. Kung matatandaan, nagbabala ang UN noong nakaraang buwan na higit kalahating milyon ang maaaring makaranas ng famine o matinding pagkagutom sa Gaza.
Naniniwala si Manalo na kapag naipatupad ang resolusyon ay agad itong makatutulong para mabawasan ang paghihirap ng mga sibilyang nadadamay sa kaguluhan.