-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang mga produktong gawa sa Pilipinas ay hindi gumagamit o hindi umaasa sa forced labor o sapilitang pagtatrabaho.

Ginawa ng DFA ang pahayag na ito kasunod ng ipinataw na 12.5% na taripa ng US government sa 60 bansa kabilang ang Pilipinas, na diumano’y kulang ang aksyon laban sa forced labor.

Binigyang-diin ng DFA na matagal nang napatunayan ng Pilipinas na ang mga lokal na produkto nito, kabilang ang mga iniluluwas sa Amerika ay hindi dumidepende sa forced labor.

Ayon sa DFA, mayroong mga batas ang Pilipinas na nagbabawal sa forced labor at patuloy na pinalalakas ang legal at institutional framework nito sa pamamagitan ng paglalatag ng mga mekanismo para imbestigahan at matugunan ang mga alegasyon kaugnay ng mga produktong ginagawa sa pamamagitan ng forced labor.

Kaugnay nito, patuloy aniya na makikipag-ugnayan at makikipagtalakayan ang gobyerno ng Pilipinas sa kanilang mga counterpart sa US tulad ng Office of the United States Trade Representative (USTR) upang iapela ang taripa at ipaliwanag ang panig ng bansa.

Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez nitong Biyernes, makikipag-negosasyon sila na bawasan ang 12.5% na taripa.