Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipino ang kabilang sa mga nasawi sa malagim na sunog na sumiklab sa isang pub sa Bangkok, Thailand noong Linggo.
Ayon kay DFA spokesperson Analyn Ratonel, batay sa impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Bangkok, wala umanong Pilipino sa 27 kumpirmadong nasawi sa insidente.
“According to the Philippine Embassy in Bangkok, no Filipinos were among the 27 reported fatalities. The Embassy continues to monitor the situation closely,” pahayag ni Ratonel sa mensahe sa GMA News Online nitong Lunes.
Samantala, umabot naman sa hindi bababa sa 63 katao ang nasugatan sa sunog, kung saan 22 sa mga ito ang nasa malubhang kondisyon, ayon sa Reuters.
Batay sa mga salaysay ng mga nakaligtas, sinabi ni Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul na mabilis kumalat ang apoy matapos itong biglang sumiklab, dahilan upang mapuno agad ng makapal na usok ang loob ng establisimyento.
Dahil umano sa kawalan ng fire exit, marami sa mga kostumer ang nagtangkang makalabas sa pamamagitan ng likurang bahagi ng pub, malapit sa mga palikuran.
Ayon pa sa mga ulat, natagpuan ng mga rescue worker ang ilang biktima na nakahandusay sa sahig sa naturang bahagi ng establisimyento habang isinasagawa ang operasyon.
















