Iniimbestigahan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang insidenteng kinasangkutan ni Palace Press Officer Claire Castro sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Vancouver, Canada kamakailan, kung saan umano siya nakaranas ng pambabastos mula sa ilang Pilipino.
Ayon sa DFA, inatasan na ang Philippine Embassy sa Ottawa at ang Philippine Consulate General sa Vancouver na makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Canada upang alamin ang buong detalye ng insidente, kabilang ang mga umiiral na batas at security protocol para sa mga bumibisitang dayuhang opisyal.
Nauna nang sinabi ni Castro na minura siya at pinagbantaan pa ng ilang raliyista sa Vancouver. Kumalat din sa internet ang mga video kung saan makikitang sinisigawan siya.
Nilinaw naman ni Castro na wala siyang isinampang reklamo laban sa mga sangkot dahil hindi niya rin umano kilala ang mga ito, bagama’t lumabas online ang umano’y pagkakakilanlan ng ilang indibidwal na sangkot sa insidente.
















