-- Advertisements --

Inalala ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mahalagang kontribusyon ng Pilipinas sa pagpapairal ng international law at rules-based order kasabay ng pag-obserba ng ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Sa isang statement, hinimok ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang mga Pilipino na bigyang pagkilala ang ating minanang kalayaan na ipinaglaban ng ating mga magigiting na mga ninuno na nagbuwis ng kanilang buhay sa pag-asang mapalaya ang ating bansa mula sa pagpapahirap ng mga dayuhan.

Inihayag din ng kalihim na bagamat tinatamasa ng bansa ang mga bunga ng buong tapang na pakikipaglaban para makamit ang kalayaan, patuloy na inaasam ng bansa na maabot ang buong potensiyal nito kung saan may pantay na representasyon ang bawat isa, may patas na access para sa mga oportunidad para sa pag-unlad at mabigyan ng pagkakataon na aktibong makalahok sa nation-building.

Kaugnay nito, nananatiling hindi natitinag ang DFA sa commitment nito sa pagpapatupad sa independent na panlabas na polisiya nito na nagtataguyod at promo-protekta sa mga interes ng bansa.

Saad pa ng DFA chief na gaya ng katapangan at katatagan na nagpasiklab sa Katipunan ay kapareho din aniya ang nagpapasiklab sa kanilang foreign service at sa mga diplomats para protektahan ang ating soberaniya.

Binigyang diin din ng opisyal na tulad ng kamalayan na nagbunsod sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na sumulat ng kaniyang literary masterpieces na nagpasidhi sa laban ng Pilipinas para sa kasarinlan ay pareho din aniya na nagbibigay ng inspirasyon sa mga kawani ng DFA para maiangat pa ang ating bansa.