-- Advertisements --

Hinimok ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magsampa ng diplomatic protest laban sa umano’y patuloy na presensya at mga aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS), kasabay ng umiigting na tensyon sa Middle East.

Giit ni Estrada, hindi dapat samantalahin ng China ang atensyon ng mundo na nakatuon sa krisis sa Middle East upang palawakin ang presensya nito sa pinag-aagawang teritoryo. Aniya, nakataya dito hindi lamang ang soberanya ng Pilipinas kundi maging ang seguridad sa enerhiya ng bansa.

Iginiit din ng senador na malinaw ang karapatan ng Pilipinas sa WPS batay sa desisyon ng arbitral tribunal at sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Dahil dito, dapat umanong manatiling matatag ang bansa sa pagdepensa ng teritoryo at mga yamang dagat nito.

Kasabay nito, nanawagan si Estrada sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na palakasin pa ang maritime patrols sa lugar. Sa gitna ng isyu, iniulat din ang pagtaas ng presensya ng mga Chinese vessels sa WPS habang nagpapatuloy ang usapan ng Manila at Beijing tungkol sa posibleng joint exploration. (report by Bombo Jai)