Plantsado na ang pagpapadala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng military medical teams sa mga ospital sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay AFP Surgeon General Colonel Fatima Claire Navarro, batay sa pakikipag-usap nila sa Department of Health (DOH), karamihan sa hinihingi ng mga ospital ay mga nurse.
Kasabay nito, naghanda ang AFP ng dalawa teams na bawat isa ay binubuo ng isang military doctor at limang military nurse.
Kung maaprubahan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa Lunes, ang unang deployment ng medical teams ng AFP ay sa St. Luke’s Medical Center.
Bawat teams ay sasailalim sa RT-PCR test bago sila i-deploy at sakaling magnegatibo ang resulta ay 14 na araw silang naka-duty sa ospital na susundan ng 14 na araw na quarantine period.
Tatagal ng isang buwan ang deployment kasama na ang quarantine period at subject ito sa extension o reallocation ng DOH depende na rin sa kanilang evaluation.