-- Advertisements --
image 472

Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang at tagapag-alaga na nang huwag hintayin ang unang araw ng klase para i-enroll ang mga bata para sa school year 2023-2024.

Ito ay sa kabila na maaari pa ring tumanggap ng mga late enrollees ang mga pampublikong paaralan.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary at Deputy Spokesperson Francis Cesar Bringas, ito rin ay upang maisama na ang mga mag-aaral sa programming ng mga paaralan.

Kung matatandaan, ang enrollment para sa School Year (SY) 2023-2024 ay nagsimula noong Agosto 7 at tatagal lamang hanggang sa ika-29 ng Agosto.

Kamakailan, nakapagtala ang DepEd ng humigit-kumulang 18.8 milyong enrollees para sa papasok na school year.

Sinabi ng DepEd na kasama sa bilang na ito ang mga pampubliko at pribadong paaralan, State Universities at Colleges / Local Universities and Colleges (LUCs) na nag-aalok ng basic education gayundin ang Philippine Schools Overseas.

Sa paglulunsad ng 2023 Oplan Balik Eskwela, sinabi ng DepEd para sa SY na ito, inaasahan ang 28 milyong mag-aaral na dadalo sa mahigit 47,000 paaralan sa buong bansa.

Bagama’t hindi pa naaabot ng DepEd ang inaasahang bilang ng mga enrollees sa ngayon, sinabi ni Bringas na nanatiling kumpiyansa ang departamento na tataas ang bilang ng mga ito sa mga susunod na linggo.