-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Education (DepEd) na hindi intensyonal ang pagpapasuspinde ng kagawaran sa operasyon ng 55 Lumad schools sa Mindanao.

Sa isang panayam sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na hindi nakasunod sa compliance ang naturang mga paaralan kaya nila ito pansamantalang pinasara.

Taon-taon umanong pinapaalalahanan ng DepEd ang Lumad schools hinggil sa requirements para makapag-operate.

Kabilang daw kasing ma-meet ng mga ito ang standards gaya ng lokasyon, bilang ng mga teachers, pagsunod sa curriculum at kakayahan para ma-sustain ang operasyon ng eskwelahan.

Nabatid kasi ng DepEd na anim hanggang walong Lumad schools ang walang enrolled na estudyante.

Nilinaw ni Briones na hindi banta ng mga rebeldeng grupo ang sanhi ng suspensyon ng mga eskwelahan.

Ito’y sa kabila ng report na isinumite sa kanyang tanggapan ng National Security Council noong Pebrero hinggil sa umano’y impluwensya ng mga rebelde sa Lumad students.

Batay sa datos ng DepEd, nasa 2.6-milyon ang populasyon ng indigenous students sa buong Pilipinas.