Gumagawa ng mga alituntunin ang Department of Transportation (DOTr) na magsasaad ng mga target ng gobyerno sa pampublikong transportasyon hinggil sa paglipat sa mga electric vehicles.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang DOTr ay gumagawa na ng guidelines, kung saan pinapayagan pa rin ang mga public utility vehicles (PUVs) na magkaroon ng non-electric motors, ngunit itinutulak na magkaroon ng Euro 5 o Euro 6-compliant units.
Isinusulong din ng deprtamento ang public utility vehicles Modernization Program (PUVMP), na naglalayong palitan ang mga tradisyunal na jeepney ng mga sasakyan na mayroong hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon.
Pinahaba ng ahensya ang deadline hanggang December 31, 2023, bilang pagsang-ayon sa resolusyon ng Senado at sa kahilingan ni Bautista, dahil nagreklamo ang mga driver at operator tungkol sa mga gastos na maaaring umabot sa mahigit P2 million.
Sa ilalim ng modernization program, ang mga jeepney ay kinakailangang sumali sa mga transport cooperative sa takdang panahon, sa layuning maiwasan ang “on-street competition” sa mga driver at operator.
Tinantya ni Bautista ang 80% hanggang 90% na pagsasama-sama sa deadline, mula sa kasalukuyang 60%.
Para sa bahagi nito, layunin ng gobyerno na magkaroon ng 50% ng fleet nito ang mga e-vehicles sa 2040 gaya ng ipinahiwatig ng Comprehensive Roadmap para sa Electric Vehicle Industry (CREVI) na inilabas ng Department of Energy (DOE).