-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat pa silang pondo para sa relief assistance sa mga residente na apektado ng bagyong Paeng at sa mga bagyo na tatama sa bansa hanggang sa katapusan ng taon.

Ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay, may available pa na P1.2 billion sa kabuuang relief resources para sa stockpiles at standby funds na magagamit para sa pagtulong sa mga sinalanta ng bagyo.

Ibinahagi ng DSWD official na nasa P69 million para sa relief assistance na ang nagamit para sa pagbibigay ng tulong sa mga residenteng sinalanta ng bagyong Paeng.

Ayon sa data mula sa gobyerno, apektado ngayon ang nasa 741,777 families o 2.4 million katao sa buong bansa.

Sa kabila naman ng aberya sa logistics, nagpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda kabilang ang food packs, maiinom na tubig at mga materyales para sa pagkumpuni ng mga napinsalang bahay.

Nakikipag-uganyan na rin ang kagawaran sa ibang government agencies sa Office of Civil Defense at sa Philippine National Police para mapabilis ang distribusyon lalo na sa mga nasa liblib na lugar.

Inuuna din ngayon ng ahensiya ang post-disaster assistance program nito kabilang ang pagbibigay ng burial assistance na nagkakahalaga ng P10,000 para sa mga pamilya na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa bagyo.