-- Advertisements --

Posible na ang Delta coronavirus variant na ang siyang huling “major hurdle” na haharapin ng Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa OCTA Research group.

Sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research group na kung matalo ng Pilipinas ang Delta variant ay malaking panalo ito para sa bansa dahil maraming mga bansa ang hirap na hirap labanan ito.

Ayon kay David, sa ngayon ang Delta variant ang siyang predominant variant sa buong mundo.

Wala na aniyang bagong variant na may mas malaking banta ang sumibol kaya hindi na rin inaasahan na magkakaroon ng iba pang surge bukod sa inaasahan na dulot ng Delta variant.

Gayunman, kung sa hinaharap ay magkaroon ng bagong variant, inaasahang babagal ang pagkakaroon ng posibleng surge dahil tuloy-tuloy ang pagbabakuna ngayon pa lamang.

Kung makakamit ng Pilipinas ang inaasahan na herd immunity, magging mas mahirap din para sa virus na makapasok sa bansa o kumalat at magkaroon ng community transmission.