Matapos ang 6 na araw na intensive racing, nasungkit ng Philippine Accessible Disability Services (PADS) Dragon Boat Team ang 6 na gintong medalya, 5 pilak at 8 tansong medalya sa ginanap na 16th IDBF World Dragon Boat Racing Championships sa bansang Thailand mula Agosto 7 hanggang 13.
Ito’y dagdag sa naipanalong tatlong bronze medal ng premiere team mula sa Philippine Dragon boat federation.
Matapos ang matagumpay na boat racing, ang Pilipinas ang pang-anim na pwesto sa buong mundo habang ang Paradragon team naman ay rank no. 1 team sa buong mundo matapos napanalunan ang 6 sa 11 events.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PADS Dragon boat team manager JP Maunes, inilarawan pa nito ang kompetisyon na isang emosyonal at ‘highly competitive.’
Inamin pa nito na nahihirapan sila sa unang dalawang araw dahil sa galing mga nakalaban at tumaas ang lebel ng kompetisyon at sa katunayan pa, aniya, ay karamihan sa kanilang mga panalo ay milliseconds lang ang agwat ng pinagbabasehan.
Ang world championship sa Pattaya, Thailand ay nangyayari lamang tuwing 2 taon.
Nakatakda namang isagawa ang susunod na race sa bansang Italy sa susunod na taon para sa Club Crew Championship at dalawang taon mula ngayon ay gaganapin naman sa Germany ang championship.
Sinabi pa ni Maunes na i-reassess at i-evaluate nila ang kanilang performance upang bumalik silang mas malakas at makapagdala ng mas maraming medalya para sa bansa.
Samantala, nauna na ring nanawagan ang koponan sa mga lokal at nasyonal na government agencies na tulungan sila sa kanilang mga nagastos sa paglahok sa kompetisyon kapag nakabalik na ang mga ito sa bansa bilang pagkilala na rin sa kanilang mga sakripisyo.