Isinailalim sa kustodiya nitong Lunes sina dating Anakalusugan Party-list Rep. Michael “Mike” Defensor at negosyanteng si Joseph Varias Espiritu matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kinakaharap nilang kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y P75 million hindi idineklarang campaign contribution.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nadakip ang dalawa sa loob ng isang coffee shop sa Quezon City at agad na dinala sa Sandiganbayan para sa return of warrant bago isinailalim sa booking process sa tanggapan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
“Nag-uusap sila sa Starbucks sa QC. Inaresto sila at dinadala na sa Sandigan para sa return of warrant,” ani Remulla.
Ayon pa sa kalihim, matapos ang mga kinakailangang proseso ay dadalhin ang dalawa sa detention facility sa Payatas.
Gayunpaman, iginiit ni Defensor sa isang Facebook post na hindi sila inaresto kundi kusang sumuko sa mga awtoridad.
Nauna nang nagpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kina Senator Rodante Marcoleta, Defensor, Espiritu at Aristotle Baluyut Viray kaugnay ng kasong plunder.
Iniuugnay ang kaso sa umano’y hindi idineklarang campaign contribution na nagkakahalaga ng P75 millon para sa kandidatura ni Marcoleta sa pagka-senador noong halalan sa 2025.
Batay sa mga dokumento ng kaso, ang nasabing donasyon ay umano’y nagmula kina Defensor, Espiritu at Viray.
Nauna ring sumuko si Marcoleta sa mga awtoridad matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan.
Samantala, sa isang video na ibinahagi sa social media, sinabi ni Defensor na walang basehan ang kasong isinampa laban sa kanila at iniuugnay niya ito sa kanilang mga naging pahayag laban sa umano’y katiwalian sa flood control projects.
Iginiit din ng dating kongresista na hindi siya magtatago at haharapin niya ang kaso.
“You can send us to jail and silence us, but we will not give up,” ani Defensor.
















