-- Advertisements --

Panahon na umano upang patunayan ng legal team ni Vice President Sara Duterte na mayroong banta sa buhay ng pangalawang pangulo kaya niya nagawa ang mga pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos at iba pa.

Ayon sa human rights lawyer na si Atty. VJ Topacio, laging iginigiit ng kampo ni Duterte na mayroong banta sa kaniyang buhay, tulad ng kanilang idinadahilan sa kontrobersiyal na November 23, 2024 Zoom press conference.

Kasama rin dito ang umano’y pag-iral ng Projet Romanov kung saan pinapalabas aniya ng kampo ni Duterte na may banta rin sa buhay ng mga kaanak ng pangalawang pangulo na malalapit sa kaniya.

Bagaman iba ang konteksto aniya ng Project Romanov na unang binanggit ni Mayor Baste Duterte, mistulang ginagamit aniya ng kampo ni VP Sara ang naturang isyu para igiit na malawak ang banta sa kaniyang buhay.

Dahil dito, pagkakataon na umano ng kaniyang kampo na patunayan ito sa susunod na linggo kung saan nakatakda ang mga huling araw na talakayin ang grave threat article.

Kung totoong may basehan ito aniya, mahalaga ring maimbestigahan ito ng Philippine authorities sa pamamagitan ng law enforcers.

Sa kabilang banda, naniniwala si Atty. Topacio na nais ng prosecution na patatagin ang kanilang claim na ang pagbabanta ni VP Sara ay isang pattern, kaya’t iprepresenta pa si National Bureau of Investigation Dir. Melvin Matibag sa huling bahagi ng trial days na nakalaan para sa pagtalakay sa threat article.

Ang naturang pattern aniya ay hindi na kayang burahin ng kampo ni VP Sara kahit pa ipilit ng kaniyang ‘PR team’ na linisin ang kaniyang imahe.