Naglabas ng opisyal na pahayag ang defense team ni VP Sara Duterte niyong Lunes, Hunyo 9, sa gitna ng panawagang ituloy na ng Senado ang impeachment trial ng Bise Presidente.
Ayon sa kanila, bagama’t pinipili nilang huwag magkomento sa mga usaping panloob ng Senado, iginiit nilang ang mismong pagsisimula ng proseso, lalo na ang ika-apat na reklamo sa impeachment, ay may “malubhang paglabag sa Konstitusyon.”
Anila, ang proseso ng impeachment ay hindi dapat gamitin bilang sandata laban sa mga katunggali sa pulitika. Ito raw ay isang mekanismong konstitusyonal, hindi isang political tool o kasangkapan sa pulitikang paninindak.
Gayunman, binigyang-diin ng kampo ni VP Duterte na handa silang harapin ang mga paratang sakaling ituloy ng Senado ang paglilitis.
Saad ng pahayag na nakahanda silang ipakita na walang batayan ang mga akusasyon laban sa Bise Presidente.
Ang pahayag ay lumabas kasabay ng lumalakas na panawagan mula sa mga unibersidad, civil society groups, at mga mambabatas na igalang ng Senado ang Konstitusyon at simulan na ang paglilitis sa mga kasong isinampa laban kay Duterte, kabilang na ang umano’y pagkakasangkot niya sa Davao Death Squad.