-- Advertisements --

Itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte na sinusubukan nitong pigilan ang pagpapalabas ng kanyang bank at tax records na hinihingi ng House prosecution panel sa impeachment trial.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team na hindi sila natatakot na ilabas ang bank records ni VP Sara, ngunit nais lamang nilang matiyak na ang proseso ay naaayon sa batas at sa Konstitusyon.

Giit pa ng depensa, malinaw umano ang naging pahayag ng Korte Suprema tungkol sa karapatan sa privacy at due process, kaya ito ang kanilang ipinapaalala sa mga senador na nagsisilbing judge sa impeachment trial.

Magugunitang tinalakay sa ika-anim na araw ng paglilitis ang muling pag-hiling ng House prosecutors na maglabas ang Senado ng subpoena para makuha ang bank records at tax documents nina Sara Duterte at Mans Carpio.

Tutol naman ang depensa sa hiling ng prosekusyon dahil para sa kanila, maaaring maging isang “fishing expedition” lamang ito o paghahanap ng ebidensya nang walang sapat na basehan.

Sinabi rin ng kampo ng Bise Presidente na maaaring malabag ang karapatan ng mag-asawang Duterte at Carpio sa privacy kung ipag-uutos ang pagpapalabas ng kanilang mga financial records.

Ipinauubaya na aniya ng depensa ang magiging desisyon ng impeachment court at doon ibabatay ang kanilang susunod na gagawin at binigyang diin na ang pagkuha ng ebidensya ay dapat naaayon sa Konstitusyon, at sa rule of law.