Umakyat na sa 38 ang bilang ng mga nasawi matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Sarangani noong Lunes ng umaga, Hunyo 8, 2026.
Batay sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD), apat na katao naman ang nananatiling nawawala habang 478 ang naiulat na sugatan.
Ayon sa OCD, kabilang sa mga pinakamatinding naapektuhan ng lindol ang General Santos City, Sarangani, at South Cotabato.
Marami ring pamilya ang napilitang lumikas dahil sa pinsalang idinulot ng sakuna sa kanilang mga tahanan.
Tinatayang nasa mahigit P562.8 million ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.
Samantala, patuloy pa ring nararanasan ang mga aftershock sa lugar. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nakapagtala na ng 1,209 aftershocks mula nang tumama ang lindol. Ang lakas ng mga ito ay mula magnitude 1.3 hanggang 6.4.
Sa ngayon, nakatuon ang mga awtoridad sa search, rescue, at retrieval operations upang matulungan ang mga naapektuhan at mahanap ang mga nawawalang indibidwal.
Mahigit 2,700 tauhan naman mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection ang ipinadala sa mga apektadong lugar upang tumulong sa operasyon.
















