-- Advertisements --
DUTERTE AND DE LIMA

Interesadong makipagtulungan si dating Senator Leila de Lima sa International Criminal Court (ICC) na nag-iimbestiga sa umano’y crimes against humanity na nagawa sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ng abogado ni de Lima na si Atty. Filibon Tacardon base na rin aniya sa naging pahayag ng dating Senadora sa isang press conference matapos makalaya kung saan binanggit niya na kaniyang ipagpapatuloy ang kaniyang mga adbokasiya kabilang na ang karapatang pantao, rule of law at hustisiya.

Sinabi naman ng isa pang miyembro ng kaniyang legal team na si Atty. Dino de Leon, isa si de Lima sa mga nag-inisyatibo na imbestigahan ang drug war at maaaring tumulong sa pagsisiyasat ng ICC.

Kung may pangangailangan aniya na maging resource person si De Lima o iturn-over ang lahat ng mga ebidenisya na hawak niya o nakalap ng kaniyang pinamunuan noon na Senate Committe on Justice and Human Rights bago siya nakulong. Payag umano ang dating Senadora na ibigay ito sa ICC o sa sinumang investigating authority.

Si de Lima ay nanungkulan din bilang chair ng Commission on Human Rights kung saan noong 2009, pinangunahan niya ang imbestigasyon sa tinawag na Davao Death Squad na itinuturo sa pagpaslang ng mga pinaghihinalaang drug pushers at mga kriminal sa Davao city kung san alkalde pa noon si Rodrigo Duterte. Sa kabila ng mga natuklasang mga kalansay ng pinaniniwalaang mass grave, walang nasampahan ng kaso.

Noong Agosto 22, 2016 naman namuno si De Lima sa Senate Committee on Justice and Human Rights kung saan naglunsad ito ng imbestigasyon sa mga pagpaslang at kwestyonableng police operations sa drug war ni dating Pangulong Duterte.

Ilang araw ang nakalipas, naglabas si Duterte ng tinawag na matrix para suportahan ang kaniyang mga alegasyon na naguugnay kay De Lima sa kalakaran ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison habang ito ay kalihim ng Deaprtment of Justice. Kalaunan sinampahan ng 3 criminal charges si De Lima na nagresulta sa kaniyang pagkakaaresto noong 2017.

Naabswelto naman si De Lima sa 2 kaso nito noong 2021 at 2022 at noong Lunes, pinayagan ng korte na makapagpiysa sa kaniyang huling kaso kaugnay sa iligal na droga para sa pansamantalang kalayaan matapos ang halos 7 taon.