Tini-trace na ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng mga maling report tungkol sa ilang krimen daw sa Metro Manila.
Ito’y matapos kumalat sa social media ang tungkol sa umano’y panloloob sa mga bahay sa McKinley Hill, Taguig City at Binondo, Manila; at ang umano’y kaguluhan sa San Andres, Manila.
Ayon kay PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa, wala pa silang natatanggap na beripikadong ulat ng krimen sa Metro Manila at mga kalapit na lugar sa nakalipas na araw simula nang ipatupad ang “enhanced community quarantine.”
Kasabay nito ay binalaan ni Gamboa ang mga nagkakalat ng fake news na mahaharap sila sa mabigat na parusa lalo’t nasa gitna tayo ng national emergency.
Nakiusap naman si Gamboa sa mga mamamayan na iwasan ang pag-share ng hindi beripikadong impormasyon upang hindi makalikha ng pangamba at at takot sa publiko.
Samantala, ipinag-utos ng PNP chief ang pagdeploy ng mas maraming mobile patrols at paigtingin ang police visibility sa Metro Manila habang umiiral ang lockdown sa buong Luzon.
Ayon kay PNP chief, ito ay “preventive measure” lang para masiguro na hindi makapagsamantala ang mga kriminal sa kasalukuyang sitwasyon.
Binigyang-diin ni Gamboa na naging kapuna-puna ang pagbaba ng crime rate sa Metro Manila sa kasagsagan ng enhanced community quarantine.
Gayunman, inatasan pa rin ni Gamboa ang mga local police units na makipag-coordinate sa mga security managers ng commercial centers at vital facilities, gayundin sa barangay authorities ng nga residential communities upang magtatag ng “neighborhood watch systems” para sa seguridad ng mga komunidad.