-- Advertisements --

Nagsasagawa ngayon ng hot pursuit operation ang mga otoridad laban sa apat na suspek na bumaril patay kagabi, Pebrero 26, sa isang miyembro ng CAFGU sa Brgy. Amdus Ayungon Negros Oriental.

Kinilala ang biktima na si Teotimo Sisoy Jr., 47 anyos, at residente ng Brgy. Cabang Jimalalud.

Sa panayam ng Star Fm Cebu kay PMaj Fortunato Villafuerte,hepe ng Ayungon Police Station, sinabi nitong patungo sana ang dating Cafgu sa bahay ng kapatid nito para humingi ng itatanim na niyog ngunit pagdating sa lugar ay bigla nalang silang pinagbabaril ng apat na suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.

Naisugod pa si Sisoy sa pagamutan ngunit dahil sa natamong anim na tama ng bala sa sa dibdib at likod ay binawian ito ng buhay.

Narekober naman sa crime scene ang empty shell ng Caliber 45 pistol.

Sinabi pa ni Villafuerte na sa kanilang pagtatanong sa kapatid na kasama ng biktima, madilim umano sa lugar kaya hindi na mailarawan nito ang mga suspek at kung anong klase ng motor ang ginamit ng mga ito.

Wala din naman umano itong natanggap na mga banta at walang nakaaway ayon pa sa pamilya ng biktima.

Dagdag pa ng opisyal ng pulisya na posibleng may kaugnayan sa dating trabaho nito ang motibo ng pagpatay sa biktima.

Patuloy naman ang kanilang isinagawang malalimang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang mga nasa likod ng nangyaring krimen.