-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy ngayon ang imbestigasyon sa naganap na pamamaril kahapon sa alas 3:40 ng hapon sa Purok 2, Brgy. Balibayun, Surigao City kung saan napatay ang biktimang dating barangay kapitana.

Nakilala ang biktima na kasalukuyang kagawad ng nasabing barangay na si Lani Escalante Tereso, 61-anyos.

Base sa imbestigasyon ng Surigao City Police Office sa pamamagitan ni Police Lt. Col. Christian Rafols, habang nag-iisang nakaupo si Kagawad Tereso sa labas ng kaniyang pamamahay, may dalawang hindi nakikilalang tao na biglang dumating, ang isa ay ang bumaril sa biktima na nagresulta sa kamatayan nito habang ang isang lalaki ay siyang driver ng motorsiklo XRM type na walang plate number.

Matapos ang pamamaril, kaagad namang tumakas ang mga suspek patungong Taganaan na direksiyon.