-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na sa ngayon ang pamunuan ng National Disasster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa local government units ng Davao Oriental kaugnay sa nangyaring 7.1 magnitude na lindol kaninang madaling araw sa Mati City, Davao Oriental.

Ayon kay NDRRMC executive director and OCD Administrator Ricardo Jalad, wala pa silang natatanggap na situational report mula sa local DRMMC lalo na doon sa mga damages bunsod ng lindol.

Ayon kay Usec Jalad, batay sa ibang sources may mga naitalang mga crack sa mga buildings, kaya’t hinihintay nila ang official report mula sa local government units.

“Well sa ibang sources may mga kunting crack ganun, sa ibang building but not that much ano pa e, hinihintay pa natin yung official report ng LGU but looks like wala namang nangyayari na nakakatakot like collapse of building, kasi malalaman natin agad yan, walang major damage, nagcoordinate pa yung OCD dun e, sa mga lgu at wala pa namang pumapasok na may casualties,” pahayag pa ni Jalad.

Ayon naman kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal ongoing na sa ngayon ang damage assessment ng kanilang regional disasster assessment team at maging ng LGU ng Davao Oriental.

Sinabi ni Timbal batay sa initial report walang naitalang major damages.

“Ongoing po ang assessment from RDANA and our LGU counterparts in Davao Oriental. Initial assessment so far, no major damages,” mensahe pa ni Timbal.

Wala rin namang report ang NDRRMC may mga naitalang casualties at wala ring report na may gusali ang nag-collapse.

Una ng nilinaw ng Phivolcs na wala silang inilabas na tsunami alert.

Ang nasabing lindol ay tectonic origin na may lalim na 69 km ang naging sentro.