-- Advertisements --

Umaapela ang Hudikatura na madagdagan ang kanilang pondo para sa susunod na taon upang matulungan sila sa adjustments na kailangan gawin sa gitna ng new normal dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa deliberasyon ng House committee on Appropriations sa 2021 budget ng Judiciary, sinabi ni Court Administrator Midas Marquez na kung maari ay dagdagan ng P6.58 billion ang P43.54 billion allocation na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa kanila.

Ayon kay Marquez, P55.88 billion ang orihinal na halaga na kanilang hiniling sa DBM.

Sa pagtatanong ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro, sinabi ni Marquez na ang dagdag na pondo na kanilang hinihingi ay gagamitin para sa pagpapalakas kanilang information and communications technology (ICT) infrastructure at systems.

Mahalaga aniya ito lalo pa at idinadaan na sa videoconferencing ang court hearings dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Marquez na magmula noong Marso nang unang ipinatupad ang lockdown, ipinag-utos kaagad ng Korte Suprema ang pagsara ng mga korte at ang lahat ng mga pagdinig sa mga kaso ay idinadaan na lamang sa videoconferencing.

Humigit kumulang 100,000 court hearings na nga aniya ang naisagawa sa buong bansa sa pamamagitan ng videoconferencing at may success rate ito na 87 percent.

Magagawa aniya ito na 100 percent sa tulong ng dagdag na pondo na kanilang hinihingi sa Kongreso.

Sa ngayon, sinabi ni Marquez na mahigit 60,000 persons deprived of liberty (PDL) na ang nakalaya sa gitna ng pandemya sa pamamagitan ng videoconferencing ng mga korte.