Nagtalaga ng dagdag na Water Search and Rescue team ang Philippine Red Cross sa ilang apektado ng baha sa Davao.
Anim (6) na miyembro ng Water Search and Rescue team ng PRC at tatlong (3) first aider ang tumulong sa paglikas ng mga residente ng Bulusan Street, Central Park Bangkal sa Davao City, matapos umabot hanggang baywang ang baha sa lugar kasunod ng tuloy-tuloy na ulan dala ng shearline.
Nagpasalamat si PRC Chairman and CEO Richard Gordon sa volunteers na siyang patuloy na umaalalay sa mga pamilyang apektado ng baha.
Ayon kay Gordon, kahit biktima rin ang ilang volunteer ay hindi nagpatinag ang mga ito sa ginagawang pagtulong.
Tiniyak naman ng PRC na patuloy nilang susuportahan ang mga biktima, katuwang ang lokal na pamahalaang nakakasakop sa mga lugar na apektado ng kalamidad.









