-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inihayag ng DA Region 2 na fake news lamang ang impormasyong ipinanalo nila ang bidder na may mas mataas na presyo ng fertilizer.

Unang nakaugnayan ng Bombo Radyo Cauayan si Engr. Rosendo So, Chairman ng Samahan ng Industriya ng Agrikultura (SINAG) at sinabi niya na nabalitaan nila ang isinagawang bidding ng DA Region 2 at ang ipinanalo ay ang bidder na mas mataas ang presyo.

Aniya, P2,150 ang presyo ng bawat sako ng Urea Fertilizer ng isang bidder na dapat sanang nanalo ngunit ang bidder na P2,350 ang presyo ang nanalo sa bid kahit mas mataas pa ito ng P200.

Napakalayo ng presyo na ito kumpara sa ibang rehiyon na nasa P2,150 hanggang P2,170 ang kada sako.

Ayon kay So, hindi ito dapat pinapayagan dahil pahirap ito sa pamahalaan lalo na at alam din ng administrasyon na siya ring namumuno sa Kagawaran ng Pagsasaka na pababa na ang presyo ng abono.

Naisangguni na umano nila ito sa senado at sa susunod na hearing ay maaring pag-usapan at imbitahan ang Bid Committee ng Region 2.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Joey Bosito, Supervising Administrative Officer ng DA Region 2, inihayag niya na fake news ang nasabing impormasyon dahil wala pa namang nanalo o award of contract sa bidding dahil kasalukuyan pa lamang ang post qualification process ng dalawang bidder.

Ang dalawang bidder ay ang Aves na may total bid na P115,799,640 at may price per bag na P2,030 at L.M. Arenas na may total bid na P127,464,960 at may price per bag na P2,240.

Aniya, may labindalawang araw pa silang magsagawa ng post qualification proccess sa dalawang bidder at kung hindi papasa ang lowest bidder na si Aves ay lilipat sila sa second lowest bidder na si L.M. Arenas.

Matapos ang post qualification process ay iinspeksyunin din ang bodega ng mga ito upang matiyak na may tunay silang stock ng abono.

Wala rin aniyang nagmaterialized na mga naunang bidding ng DA Region 2 kaya ito pa lamang ang unang bidding na maaaring magkaroon na ng award of contract para sa early procurement.

Inihayag ni Bosito na ang nasabing impormasyon na naiparating sa SINAG ay ang kumalat na impormasyon sa umpisa ng bidding kaya fake news ito.

Iginiit din niya na hindi naman maaaring ibigay kaagad sa mas mataas na bidder ang kontrata dahil maraming proseso pa ang daraanan nito lalo at ang default process ay ang mga may pinakamababa ang presyo ang nakukuha.

Magrereklamo rin aniya ang lowest bidder kung ang bidder na mas mataas ang presyo ang nakuha.