Pinag-aaralan ng Department of Agriculture ang posibilidad ng paglalaan ng suggested retail price (SRP) sa karne ng manok sa gitna pa rin ng pagtaas ng presyo nito.
Natukoy kasi ng DA na umabot na ang presyo ng hanggang P210 kada kilo sa ilang mga pamilihan.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, mayroon nang kautusan si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na magsagawa ng pag-aaral at tukuyin ang maayos na implementasyon ng SRP, lalo na sa mga lugar na makitaan ng mataas na bilang ng mga traders na hindi nag-comply.
Ayon kay De Mesa, kailangang mabantayan ang presyuhan ng manok sa mga merkado dahil nananatili namang sapat ang supply nito.
Mataas aniya ang lokal na produksyon ng manok mula sa mga commercial farms.
Ikinalungkot din ng opisyal na umaabot sa mahigit P200 ang kada kilong presyo ng manok gayong malayong mas mababa sana ang presyuhan para rito.
Sa katunayan, sinabi ng opisyal na maituturing nang overpriced ang P190 kada kilo.
Katwiran ni De mesa, ang SRP ang magsisilbing price control ng pamahalaan upang maiwasan ang posibleng pagmamanipula ng mag traders, lalo na ngayong panahon ng holiday.