
Aabot sa P2.78-billion na halaga ng tulong ang ibibigay ng Department of Agriculture (DA) sa ilang lalawigan sa Cagayan Valley region na sinalanta ng bagyong Ulysses.
Batay sa tala ng DA, tinatayang P2-billion ang halaga ng danyos na iniwan ng mga nagdaang sama ng panahon sa rehiyon mula kay bagyong Pepito noong nakarang buwan.
“Nakahanda naman ang Kagawaran ng Pagsasaka, tamang-tama yung paghahanda namin for rice season planting,” ani Agriculture Sec. William Dar.
Ayon sa kalihim, nakatakda sanang mag-abot ng mga binhi sa pagtatanim ng palay ang ahensya ngayong buwan.
“Ngayon mayroon tayong ibibigay sa Region 2, itong agricultural inputs na gagamitin na sa pagtatanim ng Disyembre.”
Kabilang sa ipamimigay ng Agriculture department ay hybrid rice seeds, bread rice seeds, fertilizers, hybrid corn seeds, assorted vegetable seeds, seedling trays, potting media. Pati mga manok, kambing at alagang pato.
Makakatanggap daw ng P846-million na halaga ng mga pananim, gamit at alagang hayop ang Cagayan province. Bibigyan din ng parehong tulong ang Isabela (P986-million), Nueva Vizcaya (P148-million), at Quirino (P96-million).
“Dadagdagan pa namin ng donasyon na bigas na under the National Food Authority. They decided to donate to Cagayan some 14,500 bags equivalent to P18-million.”
“Doon sa Isabela, magdo-donate din tayo ng 18,500 bags (which is equivalent to) P23,000. So P41-million (total) galing sa NFA.”










