-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Agriculture na mabibigyan ng kaukulang tulong ang aabot sa 9,139 na mga magsasaka sa Davao at CARAGA na naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha na dulot ng umiiral na shearline.

Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na may kautusan na umanong ibinaba si Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr para sa agarang pagdedeploy ng mga agricultural inputs at financial support sa mga naapektuhang magsasaka sa naturang mga lalawigan.

Kabilang sa nakatakdang ipamahagi ng ahensya ay ang ₱18.50-milyong halaga ng binhi, mga Survival and Recovery (SURE) Loan Program at Quick Response Fund ng DSWD.

Sa pinakahuling tala ng DRRM Operations Center ng Department of Agriculture, sumapa na sa halos ₱173.39-million ang kabuuang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa shear line.

Ito ay katumbas ng mahigit 12,000 na ektarya ng lupaing sakahan na nasalanta.

Sinabi naman ng DA na nasa aabot sa 4,566 ektarya ng sakahan ang totally damaged o katumbas ng 37.65% habang aabot naman sa 7,560 ektarya ng sakahan ang partially damaged o 62.35% .