-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakiki-usap ang Department of Agriculture (DA) sa mga local government units (LGUs) sa bansa na makipagtulungan sa ahensiya upang masugpo ang African Swine Fever (ASF) virus at hindi na lumaganap sa ibang bahagi ng bansa.

Ito ay matapos na kumpirmahin ng DA na umabot na sa lalawigan ng Pangasinan, partikular na sa Binmaley at Malasiqui ang nasabing virus at aabot sa 300 na baboy ang isinailalim sa culling operation.

Sinabi ni Agriculture Sec. William Dar sa panayam ng Bombo Radyo Vigan na kailangan umanong higpitan pa ng mga LGUs ang pagpapatupad ng quarantine checkpoint sa lahat ng entry at exit points ng kanilang nasasakupan upang matiyak na walang nakakapuslit na produkto na maaaring pagsimulan ng virus.

Binigyang-diin ng kalihim na nagiging social o personal issue na umano ang nasabing virus dahil sa mga pasaway na hog raisers at meat vendors.

Naniniwala ang opisyal na mabilis lamang masugpo ang nasabing virus kung nakikipagtulungan ang mga LGU lalo na ang mga nasa local agriculture office.