-- Advertisements --
ASF CEBU

Makikipag-partner ang Department of Agriculture sa livestock industry upang makapagtatag ng isang Livestock Animal Registry (LAR) sa bansa.

Ito ay upang matiyak na maibibigay lamang sa akmang mga magsasaka ang tulong na dapat ay para sa kanila.

Ayon kay DA Undersecretary Deogracias Victor Savellano, ang pakikipagtulungan ng pribadong sektor ay mahalaga upang makabuo ang mga nagsisilbing lider ng nasabing industriya, ng mga programa na maaaring magbebenepisyo sa mga magsasaka.

Sa ilalim kasi ng naturang partnership, target ng kagawaran na bumuo ng isang registry o listahan ng mga magsasaka na siyang magiging basehan sa paglabas ng mga tulong para sa mga ito.

Pangunahin dito ay ang re-population program ng ahensiya para sa industriya ng pagbababoy na labis na naapektuhan dahil sa pananalasa ng African Swine Fever.

Sa pagtaya ng DA, inaasahang aabot ng hanggang 10.2million heads ang baboy sa Pilipinas.

Gayunpaman, posibleng mas mababa pa dito ang aktwal na bilang, dahil sa ilang taon na epekto ng ASF, kung saan posibleng aabot lamang ng hanggang 7.5million sa kasalukuyan.

Bagaman, ang pangunahing target sa ilalim nito ay ang hog industry, maaari rin aniyang magamit ang naturang listahan sa iba pang mga pangangailangan.