-- Advertisements --

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang conviction para sa cyber libel ng Rappler CEO Maria Ressa at dating Rappler writer-researcher Reynaldo Santos, Jr. sa isang artikulong kinasasangkutan ng negosyanteng si Wilfredo Keng.

Habang tinanggihan ng desisyon ng CA ang apela ni Ressa sa paghatol sa cyber libel, binago din ang sentensiya sa anim na buwan, isang araw hanggang anim na taon, walong buwan, at 20 araw.

Sina Ressa at Santos ay sinentensiyahan ng anim na taong pagkakulong noong Hunyo 2020 ni Manila RTC Br. 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa.

Nanindigan si Estacio-Montesa sa kanyang desisyon na binasura ang mosyon para sa muling pagsasaalang-alang noong Hulyo ng parehong taon.

Ang kasong cyber libel ay nagmula sa isang artikulo noong Mayo 2012, na nag-uugnay kay Keng sa yumaong Chief Justice Renato Corona, na noon ay nahaharap sa isang impeachment trial.

Gumamit umano si Corona ng mga mamahaling sasakyan na pag-aari ng ilang personalidad kabilang si Keng na inilarawan sa artikulo na may “shady past” na binanggit daw sa intelligence report.

Napatunayan ng korte na mananagot si Santos bilang may-akda ng artikulo at si Ressa naman bilang executive editor noon ng Rappler.