Hinihimok ng Civil Service Commission ang mga government agency sa Metro Manila na ipatupad ang Policies on Flexible Working Arrangement para makatulong sa sitwasyon ng trapiko sa rehiyon.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, ang NCR daw ang may pinakamalaking bilang ng government workers sa bansa. Mayroon itong mahigit 440,000 na career and non-career personnel.
Dagdag pa ni Nograles, ang kasalukuyang sitwasyon umano ng trapiko ay nakaaapekto sa productivity ng mga manggagawa lalo na ang mga nagko-commute araw-araw.
Hindi lamang daw nakatutulong ang flexible working arrangement sa pagpapataas ng efficiency ng mga manggagawa bagkus napo-protektahan pa ang kanilang kalusugan at kaligtasan.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Nograles na nasa kamay pa rin ng head of the agency ang desisyon nito dahil dapat umanong siguraduhin na tuloy-tuloy pa rin ang serbisyo mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.