Inihayag ng Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) na hihintayin pa nitong matapos ang closed fishing season bago muling hihirit ng price increase sa pamahalaan.
Ang closed fishing season ay magsisimula sa ika-15 ng Nobiembre at matatapos sa Pebrero-15, 2024.
Nangangahulugan itong sa Pebrero o Marso pa hihirit ang naturang grupo na taasan ang presyo ng mga panindang de-latang sardinas sa bansa.
Pagtitiyak ng grupo ng mga canned sardines manufacturer sa bansa na susundin pa rin nito ang kasalukuyang presyo ng sardinas sa kasalukuyan.
Ito ay kahit pa una itong humirit ng P3 na taas presyo noong buwan ng Enero, 2023 at hindi ito pinagbigyan ng pamahalaan.
Una ring hiniling ng Canned Sardines Association mula sa Department of Trade and Industry(DTI) na tulungan silang balikatin ang mataas na production cost.
Kinabibilangan ito ng mataas na presyo ng petrolyo na ginagamit ng kanilang mga barkong pangisda, mataas na presyo ng imported na tin, at imported tomato paste.