-- Advertisements --

Nagkasundo na ang 17 alkalde ng National Capital Region (NCR) na magsagawa ng sarili nilang tripartite agreement para makabili ng bakuna laban sa coronavirus disease.

Kinumpirma ang balitang ito ni Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.

Napag-usapan aniya ng mga alkalde na magkakaroon sila ng tripartite agreement sa pagitan ng pharmaceutical companies, local govenrment unit (LGU) at gobyerno sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) at Department of Finance (DOF).

Napagkasunduan din daw ng mga ito ang pagpapatupad ng iisang presyo para sa mga bibilhing bakuna dahil isa itong emergency procurement. Parte umano ito ng Bayanihan Act 2 upang tiyakin ang supply ng bakuna sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.

Magsisimula raw sila sa AstraZeneca subalit kasalukuyan na raw nakikipag-negosasyin ang lungsod ng Parañaque sa Pfizer, Moderna at Janssen ng Johnson and Johnson.

Una nang naglaan ang Parañaque ng P300 million budget para sa procurement ng COVID-19 vaccines.

Dagdag pa ni Olivarez na target ng naturang lungsod na bakunahan ang halos 700,000 residente upang maabot ang 70 percent target ng herd immunity.

Halos 100,000 indibidwal ang gagawing prayoridad ng naturang proyekto kung saan kasama na rito ang 3,880 frontliners, 980 uniformed personnel, 3,725 person with disabilities (PWDs), 55, 620 senior citizens, at 55,025 indigents na parte ng 4Ps.

Nagsimula na rin daw ang online registration para sa mga residente na nais makasama sa vaccination program.

Tiniyak din ni Olivarez na posible pang dagdagan ang unang nilaan na budget kung sakali na magkulang ang P300 million para sa 700,000 target population.