-- Advertisements --

Naniniwala si Vice President Leni Robredo na kaya ng Pilipinas na maabot ang tagumpay ng ibang bansa sa pagkontrol ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa kanyang public address nitong Lunes, inirekomenda ng pangalawang pangulo sa gobyerno ang pagse-set ng angkop at napapanahong target na maaaring maging batayan ng estado sa pandemic response.

Ipinaliwanag ni Robredo ang resulta ng pag-aaral sa The Lancet, isang kilalang research journal, kung saan may 19 na bansa ang matagumpay sa nakontrol ang pagkalat ng sakit kahit wala pang bakuna.

“Ayon sa datos noong Agosto, itinuturing tayong may “moderate transmission” dahil sa bawat isang milyong tao, mayroong 37.5 new cases at 0.5 new deaths kada araw, at may isang kasong nadadagdag sa bawat walong COVID-19 tests.”

“Ang mga bansang nasa “successfully suppressed” category, ay nagtatala lang ng hindi hihigit sa 5 new cases at 0 deaths per day sa bawat isang milyong katao, at mahigit 20 tests ang nagagawa bago magkaroon ng bagong kaso.”

Para sa bise presidente, mas magkakaroon ng kumpiyansa ang publiko kung malinaw din na naipapaliwanag ng pamahalaan ang sitwasyon.

“Hindi mahirap itakda ang mga layuning ito. Halimbawa: Alinsunod sa international standards, puwedeng targetin na bago matapos ang Oktubre, mas mababa na sa 5% ang positivity rate at siguraduhing hindi lalampas sa 1 ang reproduction rate ng virus. “

Nilinaw ni VP Leni na ang mga inilatag niyang karagdagang rekomendasyon ay batay din sa obserbasyon ng mga eksperto ng iba’t-ibang sektor at scientists.

“Nagtagumpay laban sa virus ang labingsiyam na bansa, kabilang na ang sampu sa ating mga kapitbahay, kahit wala pang gamot, at kahit wala pang bakuna.”

“Naniwala sila sa datos, sa agham, at sa mga eksperto; naging bukas sila sa kaalaman at mga kaisipan, saan man ito magmula; nagplano sila nang maigi; mabilis at coordinated ang kilos ng gobyerno nila. Naging tapat sila sa pakikitungo sa kanilang mamamayan. Isinantabi nila ang politika. Nakipagtulungan sila.”