-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Umayuda na ang ilang health specialists mula sa China at Cuba sa Italy dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) doon.

Nabatid na pumapalo na sa mahigit 59,000 katao ang nagpositibo sa COVID-19 Italy at mahigit 5,400 na ang mga namatay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mona Liza Robrigado, Pinoy worker sa Venice, dumating na aniya ang mga medical specialist upang magbigay-asistensya sa mga doktor sa lugar.

Kinukulang na kasi ang manpower sa mga pagamutan dahil sa bilis ng paglobo ng mga nagkakasakit sa bawat araw.

Bukod pa rito, nagpadala rin ng mga test kits ang dalawang bansa.

Wala na rin aniyang espasyo sa ilang sementeryo kaya agad na isinasailalim sa cremation ang mga namamatay kaya abo na ito muling masisilayan ng pamilya.

Sa tulong ng military trucks, kinukuha mula sa mga pagamutan ang mga bangkay upang dalhin sa crematorium.