-- Advertisements --

Bumagal sa 28.7 percent noong Linggo ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR), ayon sa OCTA Research group.

Sa isang tweet, sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na ito ay posibleng dahil sa pagbaba ng social at mass gatherings bago sumapit ang Bagong Taon.

Ayon kay David, ang 28.7 percent positivity rate ay lagpas na sa pinakamataas na rate nang magkaroon ng peak sa Delta surge noong nakaraang taon, at malapit na namang maabot ang pinakamataas na positivity rate na 30 percent.

Kaya naman, pangamba ni David na sa susunod na linggo ay posibleng umabot sa 10,000 ang bagong COVID-19 infections sa maitatala sa NCR.

Pero umaasa naman siya na sa pamamagitan nang paglalagay sa ilalim ng Alert Level 3 ang NCR ay makakatulong sa pagbagal ng COVID-19 transmission.

Samantala, ngayong Lunes, inaasahan nilang bababa sa 2,000 hanggang 2,500 ang bagong COVID-19 cases sa Metro Manila, habang nasa 3,000 hanggang 3,500 naman sa buong bansa dahil sa “lower testing output” ng mga laboratories.

May malaking posibilidad din aniya na mayroon nang Omicron transmission sa Metro manila sa ngayon.