Sa harap nang pagbagal ng COVID-19 growth rate sa National Capital Region at mga kalapit na probinsya nito, nakitaan naman nang mabilis na pagtaas ng bilang ng naitatalang bagong infections sa iba pang highly urbanized cities sa bansa, ayon sa OCTA Research group.
Sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang Metro Manila ay mayroong 10 percent one-week growth rate ng mga COVID-19 cases mula Enero 12 hanggang 18.
Ang COVID-19 reproduction number naman na mayroon ang NCR ay bumaba rin na pumalo sa 2.67 noong Enero 16 pero noon namang Enero 18 ay 2.07 na lamang.
Base sa datos ng OCTA, ang one-week growth rate ng mga kaso ng COVID-19 ay mas malaki sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.
Halimbawa na lamang ang Tacloban na nakapagtala ng 469 percent na growth rate; ang Cebu na mayroong 378 percent; Davao City na may 305 percent; Iloilo City na may 281 percent; Zamboanga City na may 235 percent; Baguio City na may 269 percent; at Cagayan de Oro City na may 261 percent.
Pero noong Linggo sinabi ni David na maaring ang actual COVID-19 cases sa Metro Manila ay 15 beses na mas mataas kumpara sa official numbers na iniuulat ng Department of Health (DOH) sa daily case bulletins nito.
Nauna nang sinabi ng DOH na ang actual number ng mga taong nakakaranas ng COVID-19 sa bansa ay posibleng mas mataas talaga kumpara sa mga iniuulat nila, gayong hindi naman kasama sa daily bulletins ang mga nagpositibo sa antigen tests.
















