Nadagdagan pa ng 475 ang bilang ng mga healthcare workers sa Pilipinas na tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19), ayon sa Department of Health.
Nakasaad sa daily situational report ng ahensya na pumalo na sa 9,822 ang kabuuang bilang ng medical frontliners na nagkasakit ng COVID-19 as of October 3.
Mula sa nasabing total, mayroon nang 9,100 na gumaling dahil sa 503 additional recoveries. Umakyat naman sa 61 ang total deaths ng sektor.
Samantala, may 661 pang nagpapagaling na COVID-19 confirmed cases na iba pang healthcare workers.
Pinakamaraming tinamaan ng COVID-19 ay ang grupo ng mga nurse na aabot sa 3,402. Sumunod ang mga doktor na 1,762 cases; nursing assistants na nasa 744; medical technologists na may 457 cases; at midwives na may 245 cases.
Ang natitirang bilang naman ay binubuo ng non-medical personnel tulad ng mga utility workers at administrative staff.